Sinagtala: Sa Dako ng Pahinga’t Pagtakas
Ika-26
ng Pebrero, 2017
Mula sa isang nakakapagod na namang linggo sa
paaralan, sa wakas, wikend na. Makakapagpahinga na ulit ako. At sa wikend na
ito, ibang pahinga ang gagawin ko. Pahingang hindi nakakulob sa apat na sulok
ng aking kwarto, kung ‘di pahinga sa isang malayong lugar kasama ang pamilya
ko. Tara na sa Bataan! Sa wakas!
Ajenda
sa araw na ito:
·
Gumising nang
maaga, kailangan bago mag ikapito ng umaga ay nakaalis na ng bahay.
·
10am – kailangan
ay nasa Sinagtala na sa Orani, Bataan para sa maagang selebrasyon ng kaarawan
ni Tito Danny
·
11am-11:30am –
oras ng kain at kwentuhan bago mag-ikot sa lugar
·
11:30-2pm – oras
ng pag-iikot at paliligo sa mga pool (maaaring pumili kung ano man ang gustong unahin)
·
2pm – umahon na at
magbanlaw
·
3pm-6pm—oras muli
ng kwentuhan at pag-iikot hanggang lumubog ang araw
·
6:30pm—uwian na J
Sinagtala. Kung susumahin ay ito’y isang lugar sa Orani, Bataan
kung saan pwedeng tumakas mula sa pang-araw-araw na buhay. Hindi madaling
bagtasin ang daan patungo rito sa kadahilanang bundok ang dadaanan mo, ngunit
sa kabila ng hirap na daranasin ay “worth it” naman ito dahil sa gandang taglay
ng naturang lugar. Ito’y isang lugar kung saan pwede mong ipahinga ang sarili
mo’t iwanan muna sa bungad ng Sinagtala ang mga problema mo. Ito ang lugar kung saan
ka pwedeng tumakas sa mundo. Ito ang Sinagtala:
Farm Resort & Adventure Park.
Ito’y isang 52 na ektaryang lupa na nasa kabundukan na
may 2 infinity pool, isang malagong
tila kabukiran na espasyo na may mga nagkalat na mga hayop tulad na lamang ng
mga kambing at kabayo, mga tulugan at mga kubong pwedeng okupahan, at syempre,
isang magandang tanawin kapag dumungaw ka mula sa iyong kinatatayuan. Tampok
rin sa Sinagtala ang mga aktibidad na
pwede mong subukan ngunit sinasabi ko na sa’yo ngayon, hindi ito para sa mga
mahihina ang puso.
Una ay dumiretso kami sa “Duyan” residence kung saan
kami lalagi sa araw na iyon. Maganda ang lugar, mataas, at nakakabighani ang
tanawin kapag dumungaw ka mula sa barikada. Puro kabundukan at mga halaman ang
makikita mo. Isa na agad itong magandang dahilan kung bakit dapat bumisita sa Sinagtala. Mula sa itaas ay kita ang mga
infinity pool na pwedeng pagpaliguan
at syempre, dama mo ang malamig na simoy ng hangin mula sa kabundukan.
Pagkatapos kumain ay agad naming sinubukan ang mga paliguan. Sa kadahilanang
ang araw na ito ay araw nga talaga ng pahinga, lahat kami ay nananabik nang
makapagrelaks at makapagmuni-muni. Dumiretso na kami sa mga infinity pool. Dalawa ang infinity pool sa Sinagtala, at pareho itong maganda, ngunit mas maraming tao ang
makikita doon sa paliguan na mas malapit sa pasukan. Mas tahimik naman ang
paliguan na
malapit sa aming balkonahe, kaya doon muna kami
pumunta bago subukan ang mas mataong paliguan. Malamig ang tubig, malinis ang
paligid. Iyan ang mga
maiinam na deskripsyon para sa lugar. May mga upuan
rin sa tabi ng paliguan kung saan pwede kang umupo o humiga’t magmuni-muni sa
paligid. Tila ba’y parang nasa dalampasigan ka lamang. Masarap maligo, lalo
na’t kung kasama ang buong pamilya.
Pagkatapos maligo’t magbanlaw ay nag-ikot na kami sa
lugar. At sa kadahilanang ako ang nangunguna sa pag-iikot, nadaan kami sa isang
tindahan ng mga makakain. J
Mayroong tindahan sa loob kung saan ko natikman ang isa sa pinakamasarap na mga
sorbetes na natikman ko. Ito’y sorbetes na gawa sa Gabi. Matamis siya’t
malinamnam. May mga buo-buo pang Gabi na swak naman sa aking panlasa. Sa totoo
lang, noong una’y nagdadalawang-isip pa akong tumikim, ngunit sa huli’y
naunahan rin ako ng aking kuryosidad. Masarap naman pala. Nagtitinda rin sila
ng mga sariwang bukong pwede mong ipabutas upang makuha ang katas at pabuksan
upang kainin naman ang laman.
Last but not the least. Syempre hindi ako padadaig. Panghuli’y sinubukan ko
at ng aking mga pinsan ang mga aktibidad sa Sinagtala
na pangmalalakas lang ang loob. Sinubukan namin ang zipline at skybike. Sa zipline ay itutulak ka mula sa isang
matarik na dalisdis kung saan nasa nakadapa kang position na parang lumilipad
na ibon. Pangmalakasan talaga ng loob. Sa una’y nakakatakot ngunit kapag nakita
mo na ang tanawin ay hindi mo na mapapansing halos limampung talampakan ka na
mula sa lupa.
Ibang usapan naman ang skybike.
Ganoon naman siguro talaga. May mga tao
talagang takot mahulog. Ngunit ako, takot
na takot. Nanginginig ang mga binti, namamawis ang mga kamay, nahihilo mula
sa kinauupuan. Hindi ko alam ang pinakadahilan kung bakit. Siguro ito’y dulot
na rin ng mga susunod na mangyayari na wala namang kasiguraduhan, yung
katotohanang kapag pinasok mo ang isang bagay, hindi mo alam kung lalabas ka pa
bang humihinga o lalabas ka nang manhid. Ganyan ang tao, ganyan ako. Sa unang tingin ay mababakas ang
ngiti sa aking mga labi. Hingang malalim,
ngiti, hingang malalim, ngiti. Kaya mo ‘to. Lagi mo namang kinakaya. Ngunit
sa kabilang banda’y nagdadalawang-isip nang tumuloy pa kahit wala nang atrasan.
Ayan na, aandar na. Kapit kang mahigpit.
Pumadyak ka lang. Kayang-kaya natin yan. Nagsisimula nang umusad ang aking
mga paa, taas, baba, taas, baba, ‘wag na ‘wag kang titingin pababa.
Ayokong madala sa takot. Hindi ko rin nagawa. Tumingi ako sa baba. At sa pagtingin ko sa baba’y hindi takot ang
sumalubong sakin, kung ‘di ay tuwa. Ang ganda pala dito sa taas. Kahit walang
kasiguraduha’y ang ganda pa rin pala. Ramdam ko ang pagiging malaya ko—ang
pagiging malaya ko sa lahat ng takot at pagdadalawang-isip na pumipigil saking
subukan ang mga bagay na nais kong subukan at tahakin ang mga lugar na nais
kong puntahan. Dito sa ere, malaya ako.
Dito sa ere, ako si Mariefe. Ako mismo ito. Ako ang may hawak ng patutunguhan
ko, at ako ang may karapatang mamili kung saan ako titingin—sa taas, kung saan
kasabay kong lumipad ang mga ibon sa himpapawid, sa baba kung saan isang
nakakaayang kagubatan na puno ng kasiguraduhan ang nagmamasid, o sa gitna, kung
saan ang tanging nakikita ko ang pagtatapos, pagtatapos na ako mismo ang
magdidikta kung gaano kabilis o kabagal ang pagdating nito. Dito sa ere, malaya ako. At sa bawat
padyak ng aking mga paa sa bisikletang ito, lalasapin ko ang tanawing nakahain
sa ‘kin na walang takot na mahulog o matakot, sa kadahilanang sa kabila ng
lahat, alam kong laging may sasalo sa akin, at iyon ang sarili ko.
Pagkatapos ng mga aktibidad sa napakasayang araw na
ito, dumating na rin ang oras ng paglisan mula dito sa lugar ng pagtakas.
Ngunit hindi kumpleto ang araw na ito kung walang mga litrato ang pamilya sa
malaking karatula ng Sinagtala sa
gitna mismo ng kanilang lugar.
Sobrang ganda ng Sinagtala.
Nais ko itong irekomenda sa mga taong gusto ng pahinga, sa mga taong pagod na,
sa buhay man o sa paligid nila, at syempre, sa mga taong gusto munang tumakas
katulad ko. Babalik ako, at sa pagbabalik ko’y ninanais kong babalik ako dahil
sa’yo, Sinagtala. Salamat sa
paghahandog ng lugar ng pahinga’t pagtakas. Nakatulong nang sobra. Hanggang sa
muli.
Comments
Post a Comment